Martes, Marso 13, 2018

Barya Barya




Sa bawat kalansing, ano ang iyong hiling? Pagkatapos makahawak, saan mo ito gustong tumahak? Kung iisiping maigi, kalian ka kaya magkakaroon nito muli?

Kung wala pa ring ideya, ito ang tinutukoy ko – MONEY, KUARTA, PERA, DATUNG. Hindi man lahat kumakalansing – yung iba nakukusot, yung iba ikinakaskas o isinusuksok – para itong genie na pwedeng ibigay ang ating hiling. Pwede kang magkaroon ng damit, sapatos, o anumang mga gamit. Pwede kang bumili ng bahay, lupa, kotse o anumang ari-arian. Kaya para sa mga taong napakaraming hiling, kayod dito at doon, extra income, networking – andaming pwedeng gawin.

Pero baka maisakripisyo ang mga mahahalagang bagay – mga dahilan ng iyong mga hiling. Andiyan ang pamilya, iba pang mahal sa buhay o kahit sarili. Baka sa sobrang panahon sa paghahanap ng pera, mapabayaan ang pamilya. Baka rin maisapanganib ang kalusugan. Kaya kung iisipin maigi, mahirap maging balanse patungkol sa pera.

Tanong ng karamihan: PAANO PO MAG-IPON? Paano ako makakapag-ipon kung ako ay estudyanteng kulang ang tinatanggap na baon? Paano ako makakapag-ipon kung si partner lang ang kumakayod? Paano ako makakapag-ipon kung bumibigay ako sa mga luho ko?

Minsan, kung wala tayo sa sitwasyon ng ibang tao, madaling magbigay ng payo – minsan pa nga hinuhusgahan na natin sila. Baka iniisip nating sila ay tatamad-tamad, ayaw gumawa ng paraan, o nagdadahilan lang. Kung ikaw nasasabihan naman niyan… mag-isip. Baka nga totoo. Sa huli tayo-tayo rin ang nakakaalam ng ating sarili.<p>
Kaya sa unang post kong ito, anu-ano ang gusto kong maiwan sa inyong isip?
  1. KILALANING MAIGI ANG IYONG SARILI. Alamin natin ang ating lifestyle – magpakatotoo, di naman natin kailangang sabihin sa ibang tao. Saan kaya tayo nakakagastos? Mahalaga ba talaga yun? Baka naman pwedeng bawasan ang budget doon kung hindi kayang di na lang pagkagastusan?
  2. GUMAWA NG PLANO. Kung alam mo na kung saan napupunta ang kwarta, iplano kung saan dapat ito mapunta. Mayroon na bang para sa alkansya? Magbudget maigi.
  3. GAWIN ANG NAAAYON SA PLANO. Kahit paminsan-minsan mayroong hindi nasusunod sa plano, normal lang iyon. Pero pagsumikapan na ang ginagawa mo ay lumalapit sa plano.
  4. IBAHIN ANG PLANO BASE SA MGA NAKITANG PAGBABAGO. Kung may mahirap abutin, gawing reyalistiko ang gusto. Kung napakadali naman, baka handa ka na sa susunod na antas – oo, to the next level!


Napakarami ko pang gustong ibahagi, pero iyan na muna. Samantala, pwede rin naman kayong magbahagi sa akin ng mga tips na nakakaligtaan ko o hindi ko pa talaga alam.

Naway, makatulong din ito sa iba na, tulad ko, ay sinusubukang mapagtagumpayan ang isang hamon – challenge – ang ipon challenge!

Salamat po sa pagbabasa.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento